Bakit ako nagsusulat?

18623174_10155347991237628_1374122052_n

Ngayon pa lamang, magpapaalam na ako. Ginoong Villanueva, pahiram po.

Ayoko talagang maging manunulat.

Ayon sa malinaw at matalas kong isipan, madami akong gustong maging noong ako’y musmos pa lamang. Mayroong panahong gusto kong maging piloto. Sa makalawa gusto kong maging doktor. May panahon na gusto kong maging pari. At sa susunod pang mga araw, magpapalit pa iyon, marahil ay depende sa mapapanood ko sa telebisyon. Alam ninyo, malaki ang impluwensiya ng mga palabas sa isipan ng isang bata. At dahil doon, nahubog ang aking desisyon na sa aking paglaki, hinding hindi ako magiging isang manunulat.

Sa naaapuhap ng aking gunita, ano nga ba ang hitsura ng isang manunulat noong ako’y bata pa lamang?

Tikatik. Tikatik. Tikatik. Ting!!!

Ang tunog ng makinilya na pinarurusahan ang papel ang madalas na pumapasok sa aking isipan. Isang lalaking nagpuumilit na makagawa ng ideya, at ‘pag hindi siya napasaya ng kanyang akda, magagalit at pupunitin ang kalunos-lunos na papel na walang kasalanan sa umpisa pa lamang.

Iyon ang laging ipinapakita ng mga palabas noon – ang imahe ng isang manunulat na naghihikahos sa buhay. Siya ay tila nagpapatiwakal nang marahan. Pinipigang maigi ang utak upang makagawa ng isang bagay mula sa kawalan. At matapos makagawa ng isang akda at ipapakita sa iba, hindi ito tatangkilikin. Sa huli, abunado pa siya. Mananatili siyang gutom sa pisikal, mental, at emosyonal na aspeto.

Ngunit, saan ako dinala ng kapalaran? Heto ako ngayon, ako naman ang nagpapakahirap na may maisulat. Buti na lamang at naimbento ang computer dahil kung makinilya pa rin ang gamit ko ngayon, malamang ay parurusahan ako ni Inang Kalikasan sa dami siguro ng mga papel na naaksaya ko sa paggawa pa lamang ng isang artikulong ito.

Ngunit, bakit nga ba ako nagpupursigi ngayon na maging isang manunulat – bagay na kinaayawang ko noon? At kung hindi talaga ako pinaglalaruan, ang kinuha ko pang kurso ay Broadcast Journalism, isang kurso na ang pangunahing katangian na dapat na mayroon ka ay hindi naman sa magaling ka sa pag-aanunsyo ng balita, kundi dapat ikaw ay magaling sa aspeto ng pagsusulat. Na dapat ay marunong kang magtagpi-tagpi ng mga salita, siguraduhing tama ang mga salitang ginamit sa paraang maiksi ngunit sakto.

Kailan nga ba ako nahilig sa pagsusulat?

Noong ako’y nasa huling taon ko sa hayskul, kinailangan kong magdesisyon na kung kung ano ang landas na tatahakin ko. Tinignan ko ang aking sarili. Saan nga ba ako magaling?

“To be an engineer.”

‘Yan ang nakalagay sa aking yearbook noong elementarya. Ngunit sa marka na nakuha ko sa mga subject ko na may kinalaman sa numero, hindi lamang ito nagpapahiwatig na huwag akong kumuha ng kahit na anong inhinyerong kurso, naghuhumiyaw pa na iwasan ko ang kurso na ganoon.

Hindi naman sa sobrang pulpol ko sa matematika; pumapasa naman ako sa subject na patungkol sa numero. Ngunit alam kong hindi ako magtatagumpay sa doon dahil aminado akong hindi ako magaling sa larangang iyon. Kaya ko naman naisulat noon ang “ambisyon” kong maging inhinyero ay dahil sa wala akong maisulat noong kailangan nang magpasa. Bilang bunso sa limang magkakapatid na may tatlong inhinyero, naisip ko na tumulad na lamang sa kanila. Ngunit sa totoo lamang, hindi ko pa talaga alam kung ano ang gusto kong maging.

Mapabalik sa aking ikaapat na taon sa hayskul, kailangan ko nang magkaroon ng pipiliing kurso na kukunin sa kolehiyo.  Nag-isip ako nang maigi kung ano nga ba ang aking kukunin.

Usong-uso ang Nursing. Madami sa mga kaklase at kakilala ko ang nagtangkang maging nars baling araw. In demand daw kasi ito at malaki ang kita kapag ikaw ay nagibang bansa. Oo, praktikal sa panahong ito; ‘di na mabilang ang kaso ng mga estudyanteng kumuha ng Nursing sa kadahilanang maghahanap sila ng ginhawa ng buhay sa ibang bansa. Hindi mo naman sila masisisi, maski ako marahil ay nag-nars kung napayagan ng aking ina. Ngunit alam ko din na hindi ako magiging masaya doon.

Ang gulo ko.

Hindi ako makapag-isip nang maigi. Ilan sa mga kaklase ko ay may mga kolehiyo nang papasukan samantalag ako, nangangapa pa.

Ang gulo-gulo talaga ng isip ko.

Kaya pinag-isipan kong maigi ito. Sabi ko, hindi maaaring mapunta ako sa isang bagay na hindi ko talaga gusto. Kailangan dun sa matutuwa ako at kahit na gaano kahirap ito ay ‘yung matutugunan ang hilig.

At sa huli, ano nga ba ang nakapagbibigay sa akin ng linaw sa landas na aking tatahakin? Nakakatawa at maaaring mababaw para sa ilan, ngunit isang maikling sanaysay lamang pala ang bibihag sa aking atensyon.

Isang gawaing-bahay na sanaysay iyon noong ako’y nasa ikatlong taon sa hayskul pa lamang. Ang pamagat ng katha na iyon ay “Resiliency,” na hinango ko ang ideya sa dating talumpati ni Pangulong Manuel Quezon na “Resilient like the Molave Tree.” Nagulat ako noon na 99% ang nakuha ko sa sanaysay na iyon. Hindi ko alam na “marunong” pala akong magsulat. Madami na kasi akong nagagawang sanaysay dati. Ilan na nga ba ang naisulat ko mula pa noon, ngunit hindi naman ako nabibigyan ng magandang komendasyon dito. Hindi ako inilalahok upang makipagtagisan ng galing sa panulat dati. Sabi ko, kapag maganda pa ang marka na makukuha ko sa susunod na sulatin, siguro ito ang kukunin kong daan pagtungtong ko sa kolehiyo.

At ang sumunod ngang grado na nakuha ko ay 95%. Bumaba ngunit hindi naman ganoon kalaki ang ibinaba. Ibig sabihin, marunong nga ako. Maaaring nagkakamali lamang ang aking guro sa pagbibigay ng mataas na grado noon, ngunit pinanghawakan koi to at ginawa kong inspirasyon. Sayang nga lamang at nawawala na ang mga kopya ng sanaysay na iyon. Akalain ninyo iyon, isang gawaing-bahay na nakapagtakda ng buhay ko ngayon!

Nabalikan ko na kung kalian ko naisipang magsulat, ngunit bakit nga ba ako nagsusulat?

Hanggang ngayon kasi, hindi ko alam kung saan ko nahuhugot ang kahiligang ito. Kung tutuusin, mahirap talagang magsulat, kaya bakit ko pinipilit ngayon na makisama pa sa mga sandamakmak na iba pang mga mahuhusay na manunulat? Iilan lamang ba ang mga sumisikat at talagang kumikita sa pagsusulat?  Madaming magagaling ngunit hindi naman tinatangkilik ng mga tao, kaya hindi talaga ganoong masustentuhan ng pagsusulat ang kabuhayan ng isang tao sa ngayon. Madami din ang hindi mahilig magbasa, kaya bakit ko pipilitin na magpursigi sa isang bagay na maliit ang tsansa na makarating sa  kanila ang aking mensahe?

Dito papasok ang nabasa kong libro, ang (Im)Personal ni Rene Villanueva. Siya ay ang dating punong scriptwriter ng Batibot. Marami akong nakuha sa kanya na kaisipan na sadyang tugma din sa akin. Ang sadyang kapangyarihan na ibinibigay sa’yo ng pagsusulat. Sa madaming nakakakilala sa akin, pabubulaanan pa nila ‘pag sinabi ko ngayon na mahiyain ako. Oo, sa mababaw na antas na pagkakakilala sa akin, makapal ang mukha ko, ngunit may katauhan din akong mahiyain at ayaw lumabas. Isang parte sa akin ang takot na magpakita. At lumalabas lamang siya, nagkakaroon alamang siya ng lakas ng loob sa pamamagitan ng aking pagsusulat.

Sa pagsusulat, nakalilikha ako ng mundo kung saan ako ang magtatadhanan sa kanilang mga buhay. Kung saan, ako ang bida. Isa din marahil ditto ang pamamahal sa salita. Ang kapangyarihan nito na makapagpabago ng pananaw ng tao, tulad na lamang ng nagawa sa akin ng panulat ni Ginoong Villanueva.

Sabi nga niya, malas dahil ang napili niyang dalawang propesyon, ang pagsusulat at pagiging guro, ay kapwa maliit ang kita. At bago ko pinasok ang daan na ito, oo, alam kong maliit nga ang kita ngunit hindi ko ininda ‘yun. Basta aang alam ko, gusto kong magsulat. At tama muli si “Rene,” maski ako ay “mahilab-hilab lamang ng kaunti sa pagiging pulubi.

This article was originally printed in Heraldo Filipino Volume 21/Issue 5 (March-April 2007), Staffer’s Corner section. This is why I still write aside being a full-time graphic designer. Reminds me of my inspiration too as a designer too.

Advertisements

Were you LIT UP? Let me know!

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s